Ang Mitolohiya ay isang kwentong bayan na nagpasalin- salin sa pamamagitan ng pagkukwento. Naging parte na ito ng buhay ng mga Pilipino at makikita ang mga ito sa kultura, mga tradisyon at sining sa Pilipinas. Ang mga mitolohiyang Pilipino ay medyo buhay pa rin sa mga probinsiya at kanayunan.

Napakaraming Mitolohiya ng mga Pilipino. Ang Mitolohiyang Pilipino at mga kuwentong bayan ay kinabibilangan ng mga salaysay at pamahiin hinggil sa mga masalamangkang mga nilalang at nilikha ng mga Pilipino. Ang mitolohiyang Pilipino ay binubuo ng mga diyos at diyosa, mga hayop at halimaw, mga mahiwagang nilalang at mga diwata. Ito rin ay binubuo ng mga panitikang gaya ng mga epiko at alamat.

Ito'y mga paniniwala na mula sa mga panahon bago dumating ang mga sina-unang tao sa Pilipinas. Hangang ngayong ang paniniwala sa mga diyos- diyosan sa Mitolohiyang Pilipino ay mapapansing pinag-ugatan ng ating mga paniniwala at pamahiin.

Ang binatilyong Sepulturero

Mula sa mga kwento ng Mitolohiya
Sa Likha at Panulat ni Jon Lerio




Ika-2 na labas

       Ramdam ang lamig ng simoy ng hangin sa loob ng Sementeryo De Katolika, isang lumang sementeryo na pinalilibutan ng mga malalaking puno ng balete. Ang nasabing Sementeryo ay itinayo na tatlong daang taon na ang nakalipas. Nandiyan parin ang mga antigong rebolto at santo na nakatayo at nakaukit sa paligid ng sementeryo. Ang mga tuyong dahon ng mga malalaking puno ng balete ay nahuhulog mula sa mga sanga na sumasabay sa ihip ng hangin at kumakalat sa lupa.

       Sa dulo ng sementeryo ay makikita ang isang maliit na kubo. Matatanaw sa loob ng kubo ang isang binatilyo na nakahiga sa kawayang higaan... siya si Asyong ang binatilyong Sepulturero at tagabantay ng sementeryo.

       Bumangon si Asyong sa kanyang higaan, tumungo sa labas ng kubo at tumingin sa paligid ng sementeryo. Mayamaya ay bumalik siya sa loob ng kubo para kunin ang kanyang piko. Paglabas niya pasan na niya ang kanyang piko at tumungo sa bakanting lupa.

       Uukayin niya ang bakanting lupa upang libingan. Seguradong may ililibing naman sa lupang kanyang uukayin.

       Nakatayo si Asyong sa bakanting lupa habang hawak niya ang kanyang piko. Itinaas niya ang kanyang hawak na piko at malakas niyang binagsak sa lupa.

       Lumaki si Asyong sa sementeryo sa pangangalaga ng isang matandang Sepulturero. Hindi man niya ito tunay na kadugo ay minahal parin siya at tinuring parang anak.

       Sanggol pa lamang si Asyong ay niligtas ito ng matandang Sepulturero mula sa kamay ng Amalanhig sa loob mismo ng sementeryo, kakainin na sana siya ng Amalanhig nang dumating ang matandang Sepulturero. Isang malakas na bagsak ng piko na hawak ng matandang Sepulturero, basag ang ulo ng Amalanhig.

       Ang piko ng matanda ay may angkin na kapangyarihan. Kapag ibagsak ito sa lupa ang bitak ay tutungo sa kalaban at aatakin ka ng lupa na pababa hanggang ikaw ay mailibing sa ilalim ng lupa. Ang kanyang piko ay mula sa dulo ng kidlat na hinaluan ng likido mula sa bulalakaw. Marami ng Aswang at mga nilalang na kampon ng dilim ang tinalo ng mahiwagang piko.

       Pagkatapos na pagligtas sa sanggol nagbabasakaling hanapin ng matandang Sepulturero ang mga magulang ng sanggol pero hindi niya ito matagpuan. Hanggang sa kabilang bayan umabot siya sa paghahanap, pero walang nakakilala sa mga magulang ng sanggol. Mula noon kinupkop na lamang ng matandang Sepulturero ang kawawang sanggol na si Asyong hanggang ito ay nagbibinata.

       Tinuruan ng matanda si Asyong kung paano gamitin ang kanyang mahiwagang piko, at tinuruan din niya ito makipaglaban upang iligtas ang sarili mula sa kaaway. Ang lahat na natutunan ng matanda ay tinuro niya sa binata. Kampanti ang kalooban ng matanda sa oras na mawala na siya sa mundo dahil may isang taong pamanahan at pag-iwanan ng kanyang mahiwagang piko. Si Asyong ang susunod na tagahawak ng kanyang makapangyarihang piko.

       Lingid sa kaalaman ng matanda ay may kakayahan si Asyong na buksan ang kanyang ikatlong mata sa noo. Makikita niya ang iba't-ibang nilalang na hindi makikita ng isang normal na tao. Kaya din niyang kabisaduhin ang bawat galaw na makikita ng kanyang ikatlong mata, at tatagos din ang kanyang tingin hanggang sa malayo.

       Dahil sa kakayahan ni Asyong lalong hinusayan sa pagsasanay ng matanda ang pagturo sa binata. Hanggang nailabas ni Asyong ang kidlat mula sa makapangyarihang piko. Dumadagundong ang lupa sa bagsak ng mahiwagang piko na sinabayan ng makuryunting kidlat.

       Hindi makapaniwala ang matanda sa kanyang nasaksihan na inilabas ni Asyong ang kidlat mula sa mahiwagang piko, dahil siya mismo ang nagmamay-ari nito ay hindi niya kayang mailabas ang nasabing kidlat, kaya nagtataka ang matanda. Napaisip siya tuloy na baka hindi lang kidlat ang kayang ilabas ng mahiwagang piko, at mayroon pa itong tinatagong taglay na kapangyarihan na hindi pa niya natuklasan sa ngayon. Balang araw matutuklasan din niya ito sa pamagitan ni Asyong.

       Isang gabi habang pauwi sina Asyong at ang matandang Sepulturero galing sa bayan, nakita nila ang mga Amalanhig sa madilim na sulok ng sementeryo at pinagpipistahan ang katawan ng isang bangkay sa hukay. Sinigawan sila ng matandang Sepulturero at nagsitakbuhan ang mga Amalanhig. Agad naman hinabol nina Asyong at nang matanda ang mga Amalanhig hanggang nakarating sila sa kagubatan at doon nag-abutan ang mga ito.

       Sa dulo ng kagubatan, nagsilabas ang iba pang mga Amalanhig kasama ang mga Asbo, Abwak at mga Bangkilan na pinangungunahan ng kanilang pinuno na si Tenyente Gemo.

       Matapang na lumaban sina Asyong at ang matandang Sepulturero sa mga kampon ng dilim. Isa't-isang hinampas ng matanda ng kanyang hawak na piko ang mga kalaban, habang si Asyong naman ay lumaban na gamit ang kanyang dalang itak. Sa dami ng kalaban ay hindi sumuko ang dalawa. Nanaig sa kanilang dugo, ang dugong mandirigma.

       Patuloy ang pakipaglaban ng matanda sa mga kampon ng dilim hanggang siya ay biglang sinakal ni Tenyente Gemo sa leeg. Nabitiwan ng matanda ang kanyang hawak na piko. Tilang mawalan ng hininga ang matanda sa higpit na pagsakal sa kanya ni Tenyente Gemo.

       Napalingon si Asyong sa kanyang ama-amahan habang sinasakal ito ni Tenyente Gemo. Inutusan ni Tenyente Gemo ang kanyang mga alagad na salakayin si Asyong. Sabay sumalakay ang mga kampon ng dilim sa kinaroroonan ni Asyong. Imbes umurong ang binata ay sinalubong niya sa pag-atake ang mga ito.

       Tinutok ni Asyong ang kanyang kaliwang kamay sa malayong nilalagyan ng mahiwagang piko. Gumalaw mag-isa ang mahiwagang piko at lumipad patungo sa kanya na habang tumatakbong palapit. Sinalo ng kanyang kaliwang kamay ang lumilipad na piko at agad hinampas ng malakas sa lupa. Dumadagundong ang bagsak ng mahiwagang piko sa lupa na sinabayan ng makuryunting kidlat na tumama sa mga kampon ng dilim at inaatak ang mga ito ng lupa na pababa hanggang sila ay nailibing sa ilalim ng lupa. Samantala ay biglang naglaho si Tenyente Gemo at kasama ang matandang Sepulturero.

       Hinanap ni Asyong ang kanyang ama-amahan ngunit di na niya ito nakita. Napatingin siya sa kanyang hawak na piko at napaluhod sa lupa na mayroong luha sa kanyang mga mata.

       "Amaaa!" ang sigaw ng binata