Ang Mitolohiya ay isang kwentong bayan na nagpasalin- salin sa pamamagitan ng pagkukwento. Naging parte na ito ng buhay ng mga Pilipino at makikita ang mga ito sa kultura, mga tradisyon at sining sa Pilipinas. Ang mga mitolohiyang Pilipino ay medyo buhay pa rin sa mga probinsiya at kanayunan.

Napakaraming Mitolohiya ng mga Pilipino. Ang Mitolohiyang Pilipino at mga kuwentong bayan ay kinabibilangan ng mga salaysay at pamahiin hinggil sa mga masalamangkang mga nilalang at nilikha ng mga Pilipino. Ang mitolohiyang Pilipino ay binubuo ng mga diyos at diyosa, mga hayop at halimaw, mga mahiwagang nilalang at mga diwata. Ito rin ay binubuo ng mga panitikang gaya ng mga epiko at alamat.

Ito'y mga paniniwala na mula sa mga panahon bago dumating ang mga sina-unang tao sa Pilipinas. Hangang ngayong ang paniniwala sa mga diyos- diyosan sa Mitolohiyang Pilipino ay mapapansing pinag-ugatan ng ating mga paniniwala at pamahiin.

Ang mga Nilalang

Mula sa mga kwento ng Mitolohiya
Sa Likha at Panulat ni Jon Lerio




Ika-1 na labas

       Unti-unting lumabas ang bilog na buwan mula sa makapal na ulap at sumasabog ang mapulang liwanag nito sa malalim na gabi. Tahimik ang buong kapaligaran sa bayan ng Kapis. Malamig ang simoy ng hangin na siyang bumabalot sa kabahayan. Mahimbing nagpapahinga ang buong bayan.

       Ang tahimik na gabing 'yun ay napalitan ng bulabog. Nang umatake ang mga iba't-ibang uri ng Aswang sa buong bayan ng Kapis na pinamumunuan ni Tenyente Gemo na isang pinakamalakas na mandirigmang Bangkilan. Kasama niya ang kanyang mga kauri na tulad ng mga Asbo na nagpalit anyo bilang isang malaking aso. Mga Manananggal na kalahati ang katawan na lumilipad. Mga Tiktik na humahaba ang mga dila. Mga abwak na sumisisid at mabilis na gumagapang sa ilalim ng lupa. Mga Kubot na binubuka ang mga pakpak upang lansihin ang mga bibiktimahin. Mga Tiyanak na mga maliliit na nilalang. At mga Amalanhig na kumakain ng katawan ng tao hanggang maging buto.

       Pinasok ng mga Aswang ang mga kabahayan at walang-awa na pinapatay ang bawat kanilang mahuhuli. Kinakagat ang leeg at sinisipsip ang dugo. Kinukuha ang mga lamang-loob tulad ng puso't atay at kinakain.

       Kanya-kanyang nagsiktabuhan ang mga tao na para lamang makatakas. Pero ang iba ay hindi na tuluyang nakatakbo dahil sila'y naabutan ng mga Aswang.

       Maya-maya'y matatagpuan sa loob ng bahay, sa bakuran, sa kalsada at sa bawat sulok ng kapaligaran ang mga nakabulagta na patay na katawan ng tao. Mga bata, mga matatanda, mga kababaihan o mga kalalakihan ay pawang wala nang lamang-loob na nakahandusay sa lupa. Bumaha ang dugo sa buong bayan ng Kapis.

       Patuloy ang pag-atake ng mga Aswang sa bayan, hanggang dumating ang mga iba't- ibang hukbo na pinangungunahan ng isang binatilyong Sepulturero na si Asyong, nakasunod sa kanya ang hukbo ng mga Albularyo, mga Kaparian sa simbahan at mga Sakada. Nakasunod din ang mga nilalang na tulad ng mga Engkanto, Tikbalang, Kapre, maligno at mga Duwende.

       Itinaas ni Asyong ang kanyang hawak na piko, senyales ito na para salubungin ang mga kampon ni Tenyente Gemo. Sabay silang sumigaw, at sabay din silang tumakbo na may kanya-kanyang dalang sandata na patungo sa kinaroroonan ng mga Aswang.

       Naglaban ang dalawang panig. Ang Hukbo ng mga kabutihan at kasamaan... ang mga mandirigmang nilalang.

       Maraming nasawi at maraming nagbuwis ng buhay para iligtas ang isa't-isa. Lumalaban na walang kasegurohan kung mabubuhay pa sa bawat lakas na binitiwan. Nananaig ang dugong mandirigma. Walang bibitaw hanggang sa kahuli-hulihan.

       Itinaas ni Asyong ang kanyang hawak na piko at binagsak sa lupa, nabitak ang lupa na patungo sa kinaroroonan ng mga Aswang. Inaatak na pababa ang mga ito hanggang isa't- isa na inilibing sa ilalim ng lupa.

       Dahil sa lakas ng pwersa nina Asyong at nang kanyang mga kasamahan, natalo nila si Tenyente Gemo at ang mga kampon nitong Aswang.

       Kinaumagahan, pagsikat ng liwanag ay makikitang nakatayo si Asyong sa mataas na bahagi ng kalupaan at minamasdan ang buong kapaligaran ng bayan ng Kapis. Kumalat sa bayan ang mga bangkay na nakahandusay sa lupa.

       Nagsibalikan ang mga nakaligtas upang balikan ang kamag-anak na pinatay ng mga Aswang. Umiiyak ang mga ito at nagwawala. Lahat sa kanila'y nawalan ng mga magulang, asawa, anak, kapatid at mga pamilya.

      Nalumo ang binatilyong Sepulturero sa nakita ng kanyang dalawang mata. Awang-awa siya sa mga tao. Napabugtong- hininga na lamang ito sa kanyang kinatatayuan.

      Tinanggal ni Asyong ang tuwalyang nakatali sa kanyang ulo. Maya-maya'y makikita sa kanyang noo ang unti-unting pagbukas ng kanyang ikatlong mata.